Kahapon lang ay natapos na ang pagdiriwang sa bayan namin sa Lucban ng Pahiyas Festival. At syempre, wala ako don. Pangalawang taon na. Last year, nasa Anawangin ako. Ngayon, nasa opisina. Ubos na ang leave. Naisip ko rin. nitong mga nakaraang taon, pag nasa Lucban ako pag San Isidro (yun ang tawag namin sa Pahiyas Festival), nasa bahay lang ako. Tamad mamasyal. Mainit. Masikip. Maraming tao. 'yon at yon din naman makikita mo. Bahay na may kiping at palay. May arangya. May anok. Nakasabit na gulay. Nag-iiba lang ng design. At para sa aming sanay na sa piyestang ito, ang gusto na lang naming gawin ay daanan ang mga nanalo. Dahil yon, tiyak magaganda ang payas. (payas ang tawag namin sa gayak o disenyo ng bahay)
Pero habang tumatagal, sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya - Gadgets. High end cellphones. SLR Cameras. Social Networking - lalong nakikilala ang bayan namin dahil sa Pahiyas. Puntahan ng turistang nagfe-festival hopping (yung pinupuntahan ang lahat ng piyesta sa buong Pilipinas), lugar sa mga photographer at feeling photographer (yung mga nakabili ng SLR cameras na hindi naman alam kung paano gamitin) dahil sa makukulay at naggagandang gayak sa harap ng mga bahay o kaya nama'y wala lang. Pampalipas oras. Pang-ubos pera ngayong bakasyon.
Sa dinami-rami ng nagsulputang piyesta o festival sa Pilipinas (yung lahat na lang ng makitang produkto o bagay ginagawang festival halimbawa kung maraming ipis sa isang lugar gagawa sila ng Ipis Festival) bakit nga ba kakaiba ang Pahiyas Festival?
Kanina sa dami ng friends ko sa Facebook na kung hindi nagbibida ng pictures nila sa harap ng bahay na may payas ay ayun at bitter dahil hindi sila nakapunta, naisip ko, ano bang iba sa San Isidro [Pahiyas Festival] kumpara sa iba pang mga naglalakihang piyesta? (Ang yabang kong gumawa ng blog na ito pero hindi pa naman ako nakakapunta sa kahit na anong piyesta o festival ng ibang bayan. Eh bakit ba, kung ito ang tingin ko, wala kang magagawa.)
Walang Signal
Siyempre hindi mawawala ang coverage sa TV ng mga malakihang fiesta/festival sa ibang bayan. Moriones. Dinagyang. Panagbenga. Kadayawan. Sinulog. Lahat may TV coverage ng Regional Network group ng kung ano mang istasyon. Lahat sila meron, kami wala. Kung meron man, portion lang sa isang morning show at bukod don tapos na. Swerte na rin kung pupuntahan ng noontime show pero yung para mag-party sila sa amin tulad ng ASAP o Party Pilipinas? Malabo. Sa liit ng bayan namin at sa kipot ng mga kalsada, hindi ko alam kung paano sila magpaparty. Kilala naman yung Pahiyas worldwide, pero ba't ganon?
All in
Ang Pahiyas ay hindi tulad ng Niyog Festival, Sayote Festival, Sitaw Festival, Kamatis Festival, Luya Festival, Palay Festival o Kiping Festival (assuming meron niyang mga yan) na ang pagiging mayaman lamang sa iisang produkto ang ipinagdiriwang. Sa Pahiyas ang kasaganaan sa kabuuang ani, ano mang uri ito, ang ipinagpapasalamat. At bagamat paminsan-minsay humihina rin ang produksyon ng mga ani sa pagsasaka, patuloy pa rin ang mga Lucbanin sa pagpapasalamat sa poong si San Isidro Labrador lalo't higit sa panginoong Maykapal. Malay mo, next year, bonggang bongga ang ani na baka maglungad (sumuka) ka na sa sobrang dami.
Maumay ka
Ang Pahiyas Festival ang kumbaga ay finale sa series of festivals na pinagdiriwang sa Lucban. Sa buong linggo bago ang ika-15 ng Mayo, sari-saring selebrasyon na ang isinasagawa rito.
May Pansit Habhab Festival na tampok ang mga kariton ng mga maglalako ng Pansit Habhab na nilagyan ng palamuting nakikiisa sa pagdiriwang. May Pansit habhab eating contest din kung saan nagpapaunahan ang mga kalahok sa pagkain ng Pansit habang hinahabhab.
Sa [Lucban] Langonisa (opo, ganyan talaga ang tawag don) Festival, ginaganap naman ang contest sa pagbilisang gumawa, magluto at kumain ng langonisang Lucban. Muntik na sana kong makasali don. Kaso hindi raw ako naipalista. Next year, promise sasali na talaga ako.
Ikaw, Ako, Sila, Tayo
Sa tuwing makikita ko sa TV kung paano sine-celebrate ng ibang bayan ang kani-kaniyang fiesta, lagi kong nakikita ang mga tao, nasa tabing kalsada. Naghihintay, nanonood ng parada. Nanonood ng street dance o di kaya'y ng mga karosang dumaraan na puno ng bulaklak. Kukuha ng picture. Tapos aalis pagkatapos ng parada.
Sa Pahiyas, manonood ka rin ng parada. Parada ng mga Karosang (na sa totoo'y mga trak) na nilagyan at pinuno ng gulay. Sagala ng mga babaeng suot ang mga gowns na yari sa native products (na ewan ko kung pano nila napagtitiisang isuot habang nililibot ang buong bayan). Prusisyon ng taong simbahang binebendisyunan ang mga ani (kuno) para sa higit na masaganang ani sa susunod na mga taon. At parada ng mga pulitikong kumakaway at waring nagsasabing "Iboto nyo po kami sa susunod na eleksyon. Kita nyo, visible kami. Busy ba."
Pero ang higit sa mga ito, habang nakikiisa ka sa Pahiyas, ikaw mismo ang pumaparada. Ikaw ang lilibot at sisilay sa naggagandahang mga disenyo ng bawat bahay na bunga ng pagod at pagkamalikhain ng mga Lucbanin. Pawis at pagod ang magiging puhunan mo bago mo masilayan ang ganda ng pagdiriwang ng Pahiyas Festival. Kailangan mong lakarin ang buong bayan, suungin ang mainit na araw (o di kaya'y ulan kung talaga nga namang minamalas ka) makita lang ang mga pinagmamalaking ganda ng selebrasyong ito.
Tuesday, May 15, 2012
Subscribe to:
Posts (Atom)